Dalaga 4 beses binaril ng basted na suitor

Patay ang isang 22-anyos na dalaga matapos itong pagbabarilin ng binasted na manliligaw Huwebes nang gabi sa Calarian, Zamboanga City.

Namatay habang ginagamot sa Brent Hospital dahil sa apat na tama ng bala sa katawan ang biktimang si Aliya Moore, taga-Logoy Grande, Talon-Talon ng nasabing lungsod.

Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya para sa agarang pagdakip sa suspek na si Aladin Asadil, nasa hustong gulang, ng Lower Calarian.

Ayon kay P/Maj. Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, naganap ang insidente alas-8:10 nang gabi sa Seaside Marlboro, Lower Calarian.

Sa imbestigasyon, binasted ng dalaga si Asadil na masugid nitong manliligaw nitong Huwebes nang gabi dahil may napupusuan na ito.

Ilang minuto matapos na matigilan ang suspek na hindi matanggap ang kabiguan sa pag-ibig ay bigla na lang itong bumunot ng baril at pinaputukan ng sunod-sunod ang dalaga sabay takas.

Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
Nagawa pang maisugod sa Brent Hospital ang biktima na noong una ay nasa kritikal na kondisyon kung saan sa ‘dying declaration’ nito ay naituro ang suspek kung saan kinunan ito ng thumbprint ng mga imbestigador sa presensya ng kaibigan nitong si Arwida Mocaram Pulok.

Namatay ang biktima habang ginagamot sa ospital ilang minuto matapos itong kunan ng pahayag ng pulisya. (Edwin Balasa)