Dalaga hinalay ng kliyente

Arestado ang isang Chinese national makaraang ireklamo ng isang dalaga matapos siyang paghihipuan ng suspek habang nasa loob ng sasakyan nitong Huwebes sa Makati City.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang nadakip na suspek na si Zejiang Qiu, 41, nakatira sa No. 12 F. Tanedo, Tarlac City, nakakulong ngayon sa detention cell at nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness.

Batay sa pahayag ng biktimang itinago sa pangalang ‘Edith’, 21, dalaga, taga-Tarlac City kay PSMS. Ruthlyn Talusan, ng Women’s Children Protection Desk (WCPD) naganap ang umano’y panghihipo sa loob ng puting Toyota Camry Sedan sa kahabaan ng Ayala Avenue, Makati City at sa basement parking ng GT Tower sa HV Dela Costa kanto ng Ayala Ave., Brgy. Bel-Air sa nasabing lungsod.

Sa salaysay ng biktima, hinalikan siya sa labi ng kanyang kliyenteng Chinese, hinawakan sa tiyan pataas sa kanyang dibdib at niyakap ng labag sa kanyang kagustuhan. Nangyari ito sa loob ng nasabing sasakyan habang buma­bagtas galing Paseo de Roces Condominium, Don Chino Roces Avenue patungong GT Tower sa naturang lugar.

Kaagad namang humingi ng tulong ang biktima sa guwardiya ng GT Tower na si Joseph Babia, 37, na ikinaaresto ng Chinese.

Agad naman dinala ni Babia ang dayuhang suspek sa tanggapan ng Makati City Police. (Armida Rico)