Dalaga kulay talong sa “KJ”

Nagkapasa-pasa ang katawan ng isang ­23-anyos na dalaga matapos umbagin ng kanyang pinsan nang tangkain ng una na dalawin ang nobyo kamakalawa ng gabi sa may Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Nasa kustodiya ng Manila Police District-Women and Children Protection Unit ang suspek na si Robert dela Cruz, 20-anyos, ng Blk. 15-A Bagong Lupa, Baseco Compound Port Area.

Ang suspek ay inireklamo ni Chloe, ­hindi tunay na pangalan, ­tubong Agusan Del Norte at naninirahan sa Alabang, Muntinlupa City.

Nabatid kay PO2 Ma­ricela Marcenido, mayhawak ng kaso na nagtungo umano sa lugar ng nobyo ang biktima sa Bagong Lupa sa Baseco Compound upang kumustahin dahil sa umano’y may karamdaman.

Habang naglalakad sa lugar ay hinarang umano ito ng kanyang pinsan at sa hindi pa nito malamang kadahilanan ay ­sinuntok sa maselang bahagi ng ­katawan.

Hindi pa umano nakuntento si Dela Cruz, at muli siyang pinagsusuntok kaya sa takot ay nagtatakbo ang dalaga sa Barangay sa Brgy. 649 Zone 68 .

Sinundan pa umano ng suspek ang biktima at saka pinagbantaan na papatayin kung magrereklamo.

Dinala naman ng ilang barangay tanod si Dela Cruz sa barangay hall bago dinala sa MPD-Headquarters.

Tinuluyan namang ireklamo ng biktima ang kanyang pinsan na nahaharap sa kasong physical injuries and threat.