Dalaga, magdyowa binitbit sa paghithit ng droga

Sa selda humantong ang isang dalaga at kabatak nitong magdyowa nang maaktuhang humihithit ng shabu sa loob ng isang bahay sa Barangay Dubinan West, Santiago City, Isabela noong Lunes.

Kinilala ang mga suspek na sina Arnel Ruizan, tubong Dagupan City, Pangasinan, ang kanyang live-in partner na si Janica De Leon, at Miner Dane Bolos, dalaga, pawang 20-anyos at residente ng Rosario, Santiago City.

Sa imbestigasyon, ayon sa Santiago City Police Station (SCPS), nakipag-ugnayan sa kanila ang Presidential Drug Enforcement Agency-Region 2 (PDEA-R2) na magsasagawa ng anti-illegal drug operation sa isang bahay sa nasabing barangay dahil sa may nagaganap na pot-session.

Nabulaga ang mga suspek nang biglang pasukin ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-R2 at SCPS ang kanilang hideout.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Inamin naman ng tatlo na ang iligal na droga ay galing pa umano sa Bulacan.

Nakakulong ang mga ito ngayon sa SCPD detention cell at sinampahan ng kasong anti-illegal drug act. (Allan Bergonia)