Dalaga nagpaturok ng ­gluta tigok

Namatay ang isang 33-anyos na babae matapos saksakan ng glutathione ng isang nurse na nagtatrabaho sa isang Glutha Spa, noong Lunes ng hapon sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Police Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang sadyang ‘di na pina­ngalanan ng Abante Tonite ay isang empleyada at taga-Maynila.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Teody Siguen, ng MPD-HS, nagpunta umano ang biktima sa Glutaholics Spa sa 1434 Prudencio St., corner Ma. Clara St., Sampaloc, Maynila, alas-tres ng hapon para magpaturok ng Glutathione dose.

Ayon sa nurse na si Jillian Dizon, kapatid umano ng may-ari ng Glutaholics Spa, sinaksakan niya ang biktima ng 1 vial ng Aqua Skin-Diamond Pro Ultra White-f40 at isang ampule ng Ascorbic Acid Vitarex-C.

Nabatid na pagkaturok sa biktima nang mga nabanggit na gamot ay bigla na lamang itong nawalan ng malay.

Sanhi nito, kaagad na dinala ang biktima sa UST Hospital kung saan tuluyan itong binawian ng buhay dakong alas-11:13 ng gabi nang araw ding iyon.
Ayon naman kay PCpl. Allan Lingcong, hindi umano nakikipag­kooperasyon sa im­bestigasyon si Dizon.

Hinihintay pa umano ng MPD-HS ang resulta ng awtopsiya para malaman kung ano ang sanhi, kung bakit nawalan ng malay at tuluyang namatay ang biktima.
Inaalam rin ng pulis­ya kung may iba pang karamdamang ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)