Patay ang 24-anyos na dalaga nang manlaban habang ginagahasa ng construction worker na nangungupahan sa kanilang bahay sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktimang Joniecar dela Cruz Letran, sa loob ng kanyang silid sa kanilang bahay sa Cadena De Amor St., Pingkian-3, Zone 1, Brgy. Pasong Tamo.
Nasakote naman agad ang suspek na nakilalang si Rommel Baraga Fermento, 32-anyos, binata at tubong Iligan City.
Sa pag-iimbestiga ni PO1 Armeo Pascual ng Talipapa Police Station 3, nangungupahan ang suspek sa bahay ng biktima dahil malapit lamang doon ang pinagtatrabahuhan nitong construction site.
Dinampot ang suspek dahil ito ang huling nakitang kasama ng biktima sa kaarawan ng kanilang kapitbahay kung saan nakipag-inuman sila kamakalawa ng gabi.
Umuwi umano ang biktima dakong alas-11:00 ng gabi at kinabukasan ay natagpuan ng kanyang ama na duguang nakabulagta sa loob ng silid.
Nabatid na uutusan sana ng ama na magsaing ang biktima kaya kinatok ito sa kuwarto pero nang hindi nagbubukas ng pintuan ay puwersahan na itong binuksan ng kanyang tatay at doon nadiskubre ang sinapit ng anak.
Ayon kay PO1 Pascual, may malalim na sugat sa ulo ang dalaga at posibleng pinagsamantalahan dahil baligtad na ang suot na underwear nito nang matagpuan.
Sa pulisya, inamin ng suspek na ginahasa niya ang dalaga at dahil pumapalag umano ay paulit-ulit niyang inuntog ang ulo ng biktima sa semento na humantong sa pagkamatay nito.