Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa isang lugar sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City alas-kuwatro kahapon nang madaling-araw at kasunod nito ay nagtagpuan ng isang nag-usisang residente ang bangkay ng isang dalaga na nakabulagta sa labas ng kanyang bahay.

Kinilala ni Supt. Alex Alberto, hepe ng Talipapa Police Station 3, ang biktima na si Crisanta Aldonza Teraza, 33-anyos, walang trabaho at nakatira sa Sitio Pajo, Brgy. Baesa, Quezon City pero blangko pa ang pulisya kung sino ang pumatay sa kanya at ano ang motibo.

Batay sa pahayag ng residenteng si Riva Pagunsan kay PO3 Alvin Quisumbing ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nagising siya dahil sa sunod-sunod na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay.
Bagama’t natatakot, dumungaw sa bintana si Pagunsan at doon niya nakita ang biktima na duguang nakatimbuwang.

Agad siyang tumawag sa kanilang barangay at ini-report ang nakita na duguang babae dahilan para rumesponde ang mga awtoridad sa insidente.

Sa pagsisiyasat sa bangkay ng biktima ay nakitaan ito ng mga tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Aalamin pa umano ng mga pulis kung may closed-circuit television sa lugar na pinangyarihan ng krimen sa pag-asang makilala ang suspek.