Palaisipan ngayon sa mga imbestigador ng Parañaque City Police ang pagkamatay ng magtiyuhin na sinasabing nagpatiwakal umano sa pamamagitan ng pagbigti nitong Lunes nang madaling-araw sa isang construction barracks sa Parañaque City.
Kinilala ang nasawing si Marlon, 22, construction worker, stay-in sa barracks sa Philip Ext., St. Multinational Village, Brgy. Moonwalk at si Alexandra, nasa hustong gulang, dalaga, ng Brgy. Sta Monica, San Pablo Laguna.
Sa naantalang report ni P/Col. Rogelio Rosales, hepe ng Parañaque City Police, alas-12:00 ng hatiggabi nang kapwa matagpuan ang bangkay ng mga biktima ng ilan nilang kasamahan sa trabaho sa Sonny Lagon Construction Barracks sa nasabing lungsod na nakabigti.
Sa imbestigasyon base sa pahayag ni Ryan Canoog, 29, construction worker, hindi umano siya makatulog dahil sa sobrang lakas ng tugtog ng radyo ng mga biktima na kalapit kuwarto nito.
Dito’y kinatok niya ang dalawa para makiusap na hinaan ang volume ng radyo ngunit hindi sumasagot ang dalawa kaya sinilip niya ito sa bintana at laking gulat na lamang niya nang kapwa makitang nakabigti ang dalawagamit ang plastic na lubid (plastic rope).
Sa kasalukuyan ay hindi pa alam ng mga awtoridad ang dahilan ng pagpapakamatay ng dalawa.
(Armida Rico)