Dalagang hinalay ng lolo, tatay

ARESTADO ang No. 1 Barangay Kagawad (Brgy. Sta Rosa) sa bayan ng Noveleta, Cavite, matapos magsumbong sa lokal na pulisya ang 17-anyos na babaeng anak nito dahil umano sa paulit-ulit na panghahalay na ginagawa sa kanya ng sariling ama.

Sa panayam kay Noveleta Municipal Police Station Chief of Police S/Insp. Rosalino Panlaqui, nabatid na magmula pa noong Grade 5 ang biktima ay minomolestya na ito ng kanyang Lolo na namatay noong 2016

Ngunit kahit namatay na ang lolo ng biktima ay nagpatuloy pa rin ang bangungot ng dalagita dahil sariling ama naman niya ang pumalit at nanghalay sa kanya mula 2016 hanggang sa maaresto ito mag-a-alas nuwebe nang gabi noong Huwebes.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na hiwalay na ang mga magulang ng biktima at may iba na ring kinakasama ang kanyang ama.

Nabanggit pa ng biktima na tila kinukunan pa raw ng cellphone video ng kanyang ama ang ginagawang panghahalay sa kanya. Ginagawa ito ng suspek kapalit ng kalayaan niyang makalabas ng bahay.

Depensa naman ng suspek, gawa-gawa lamang ng anak ang isyu ng panghahalay dahil pasaway ito at hindi nakatapos ng pag-aaral na dapat sana’y nasa Grade 10 na ngayon. Simula raw kasi ng magloko ito sa pag aaral ay hinigpitan na niya ito kaya ma­tindi ang galit sa kanya.