Marahas na kamatayan ang sinapit sa kanyang kaarawan ng isang dalagang nurse makaraang barilin ito sa ulo habang naglalakad para pumasok sa kanyang trabaho kamakalawa sa Brgy. Bacayan, Cebu City.
Dalawampu’t pitong taong gulang na sana noong Sabado, ang biktima na kinilalang si Cristina Jayson, pero hindi na nito maipagdiriwang pa ang kanyang kaarawan matapos barilin ng isang lalaki habang naglalakad siya para pumasok sa trabaho ilang metro pa lamang ang layo mula sa kanilang bahay sa Joseville Subdivision sa Brgy. Bacayan, Cebu City, dakong ala-1:35 nang madaling-araw.
Namatay noon dahil sa tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril din ang biktimang si Jayson na napag-alaman na isang registered nurse na nagtatrabaho sa isang business process outsourcing (BPO) company sa nasabing lungsod.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng pulisya kung may closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen para matukoy ang suspek.
Pero sinabi ni Senior Inspector Alvin Llamedo, hepe ng Talamban Police Station, na may mga iniimbestigahan na silang posibleng motibo ng pamamaril at suspek sa krimen.
Kabilang aniya dito ang love triangle dahil may kasintahan sa kasalukuyan ang biktima pero mayroong impormasyon na nakipagkita pa ito sa dati niyang nobyo.