Isang manager ng insurance company at isang dalagita ang parehong natagpuang patay sa magkahiwalay na hotel sa Batangas at Laguna, Miyerkoles ng umaga.
Sa Lipa City, nagpakamatay umano sa loob ng Highlander Inn sa Morada St. Brgy. 1, ang 16-anyos na si ‘Nina’ ‘di tunay na pangalan.
Ayon kay Police Lt. Col. Antonio Rotol Jr, hepe ng Lipa City police, nakita ng mga roomboy ang bangkay ng dalagita na nakabitin sa loob ng comfort room sa isa sa mga kuwarto ng hotel alas-6:30 ng umaga.
Gumamit umano ito ng nylon cord na itinali sa dulo ng shower.
Nagtampo umano ang bata sa kanyang mga magulang kaya nagpakamatay.
Sa San Pablo City, halos ilang oras ng patay ang biktimang si Michael Loreno Asuncion, 38-anyos, manager ng insurance company, nang madiskubre ang bangkay nito na nakadapa sa kama sa loob ng San Pablo City Inn sa Colago Avenue alas-nuwebe ng umaga.
Unang inakala ng mga roomboy na natutulog lamang ang biktima subalit nang balikan makaraan ang ilang oras ay hindi na ito gumagalaw kaya tumawag na sa pulisya.
Sa record ng hotel, alas-sais ng umaga nang mag check-in ang biktima kasama ang isang kabataang lalaki.
Napag-alaman na bading umano ang biktima at posibleng lover nito ang kasama.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang ikinasawi ng biktima. (Ronilo Dagos)