EDISON REYES
Dahil nag-iisang babae lamang at panganay sa tatlong magkakapatid si Rocel, ninais ng kanyang inang si Joyce (hindi rin tunay na pangalan) na ipagkaloob sa kanya ang mga pangangailangan, partikular sa kanyang pag-aaral.
Ang labis na pagmamahal din sa anak ang nagbigay-daan kay Joyce upang maging maluwag sa pagdisiplina kay Rocel na bagama’t nagkaroon ng maraming mga kaibigan ay nanatili pa rin naman ang takot sa kanyang ina sa paggawa ng kasamaan.
Sa kabila rin ng kanilang kahirapan, pilit na iginapang ni Joyce sa pag-aaral ang anak na sa kasalukuyan ay nag-aaral pa sa Muzon Harmony Hills High School.
Dahil sa pagiging paka-kaibigan, hindi lamang sa mga kapuwa kabataang babae at ka-klase naging malapit si Rocel kundi maging sa kabataan ding lalaki na paminsan-minsan ay pinauunlakan niya ang imbitasyon para sa isang kasiyahan.
Isa sa naging malapit na kaibigan ni Rocel si Paul Cedrick Diwa, ang 18-anyos na estudyante na anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na naninirahan sa maliit na lansangan sa Melalcalde Street sa Barangay 117, Zone 9 sa Tondo.
Matalik na kaibigan kung magturingan ang dalawa lalu na’t kinakitaan din naman ni Rocel ng kabutihang loob si Paurl Cedrick, pati na ang 20-anyos na kuya nitong si Prince Jomari, na nagpapagaling pa sa kanyang tinamong “pulmonary nodule” o “spot” sa kanyang baga na karaniwang nauuwi sa tuberculosis o cancer of the lungs kung hindi kaagad maaagapan.
Bukod kay Rocel, may ilan pang kaibigan si Paul Cedrick na kadalasan ay nagtutungo sa kanilang bahay sa Melalcalde Street, kabilang ang isang bading, upang makipaghuntahan o minsan ay makipag-inuman.
Dahil hindi naman nagkakalayo ang edad ng magkapatid na Paul Cedrik at Prince Jomari, halos iisa rin lang ang kanilang mga naging barkada, kabilang na rito ang kanila ring mga kalugar na hindi rin lang kalayuan sa kanilang edad tulad ng 25-anyos na si Anthony Gonzales at magkakamag-anak na sina Andrew Caparas, Jerald Bagtas at Elmer Caparas.
Hindi lang isang barkadahan ang turing ng magkakaibigan sa isa’t isa kundi bumuo rin sila ng chat group upang mabilis ang pagpapalitan nila ng mensahe sa isa’t isa lalu na kung mayroon silang dadaluhang kasiyahan o mga bagay na nais ipabatid sa bawa’t isa.
Madaling-araw nito lamang Marso 19, araw ng Martes, inimbitahan ni Paul Cedrick ang kaibigang si Rocel, kasama ang isa pang barkada nilang bading at isa pang dalagita na mag-inuman sa loob ng kanilang tirahan sa Melalcalde Street.
Dahil matalik na kaibigan ang turingan nila sa isa’t isa, pinaunlakan ni Rocel ang imbitasyon lalu na’t kasama naman ang isa pang babae at bading nilang barkada.
Bukod sa sarili niyang cellular phone, nabitbit din ni Rocel nang magpaunlak sa imbitasyon ng cellular phone ng kanyang inang si Joyce nang magtungo sa bahay ng magkapatid na Diwa.
Dinatnan ng tatlong magkakaibigan sa bahay nina Paul Cedrick ang iba pang barkada ng magkapatid na Diwa kabilang sina Anthony, Jerald, Elmer at Andrew na masaya nang sinisimulan ang pag-iinuman.