EDISON REYES
Bagama’t nasa loob din at kasama ng magkakabarkada sa masayang okasyon ang nakatatandang kapatid ni Paul Cedrick na si Prince Jomari, hindi naman siya kabilang sa mga tumatagay ng alak dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang natuklasang spot sa kanyang baga.
Hindi pa man nagtatagal sa kanilang inuman ay nakaramdam na ng pagkahilo si Rocel kaya’t pinayuhan siya ng kanyang kaibigang si Paul Cedrick na magpahinga muna habang ang dalawa pa nilang kaibigan na kasabay nilang nagtungo sa inuman ay nagpasiya na ring lumisan.
Ang pagmamagandang-loob ng kaibigang si Paul Cedrick na nagpapayo sa kanya na magpahinga muna hangga’t hindi naaalis ang kalasingan ang pinakahuling kataga na narinig ni Rocel dahil tuluyan na siyang nawalan ng ulirat.
Nagbalik lamang ang kamalayan ni Rocel nang maramdaman ang bigat na nakapatong sa kanyang kabuuan at dito na niya naramdaman na wala na pala kahit isang saplot ang kanyang katawan.
Sa kabila ng nararamdamang panghihina, pilit na inaninag ni Rocel ang kaanyuan ng lalaking nakapatong at nagpapasasa sa hubo’t hubad niyang katawan hanggang sa mabuo sa kanyang isipan ang itsura ng lalaki na kalaunan ay kinilala niyang si Anthony Gonzales.
Sa kabila ng kawalan ng sapat na lakas, pilit na pa ring nanlaban si Rocel at gumagawa ng paraan upang itulak ang lalaking patuloy na nananalasa sa kanyang kapurihan subalit hindi sapat ang naipon niyang lakas upang masawata ang sunod-sunod na ulos ng lalaki sa kanyang kaibuturan.
Dahil na rin sa pagpupumiglas ni Rocel, nasipa niya ang noon ay natutulog nang si Prince Jomari na naging dahilan upang magising ang binata at masaksihan ang ginagawang panghahalay ng kabarkada sa matalik na kaibigan ng nakababatang kapatid.
Nakita naman ni Rocel ang pagbangon ni Prince Jomari subalit sa halip na gumawa ng hakbang ang lalaki upang pigilan ang kahalayang ginagawa ng barkada sa dalagita, wala siyang ginawa at mistulang pinanood lamang ang nagaganap na panghahalay.
Maging ang kaibigan ni Rocel na si Paul Cedrick ay hindi rin gumawa ng hakbang upang mapigilan ang panghahalay bagama’t sa awa sa dalagita ay kumuha pa siya ng kumot upang takpan ang hubo’t hubad na katawan ng kaibigan.
Nang magkaroon na ng sapat na lakas si Rocel, isinuot na niya ang kanyang damit at kahit pasuray-suray pa sa paglalakad sanhi ng sinapit na matinding hirap ng katawan ay pinilit niyang makaalis ng bahay ng kaibigan upang makauwi at makapagsumbong sa kanyang ina.
Gayunman, nang matuklasan niyang nawawala ang dalawang cellular phone na kanyang dala, kabilang ang personal na gamit ng kanyang ina, humingi siya ng tulong sa isa pang kabarkadang si John Michael Carmelo na residente rin sa hindi kalayuang lugar sa Lacson Street, Barangay 117 Zone 9.
Hindi naman tinanggihan ng 19-anyos na si John Michael ang paghingi ng tulong ng kaibigan lalo na’t nakita niyang halos wala pa rin sa wastong katinuan ang dalagita.
Nagbunga naman ang pagtulong ni John Michael dahil nabawi ang isa sa dalawang cellular phone na pag-aari ng ina ni Rocel habang ang sarili niyang gamit na may nakaipit pang P500 ay hindi na nila nakita. (Itutuloy)