Dalagita kinikilan ng P10K ng ka-cyber sex

abante-tonite-cybersex

Isang 23-anyos na lalaki ang nakorner ng pulisya matapos nitong hingan ng P10,000 ang 16-anyos na dalagita kapalit ng hindi pag-upload sa social media ng kanilang malalaswang pag-uusap sa Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Sa report ni Police Lt. Col. Victorino Valdez, Plaridel police chief, kay Police Col. Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong extortionist na si Jorenz Manuel y Tan, 23, at residente sa bayan ng Plaridel na inireklamo ng dalagitang biktimang itinago sa pangalang Jessa, nakatira din sa nasabing bayan.

Nabatid na nagtapat ang dalagitang biktima sa kanyang pinsan dahil hinihingan siya ng P10,000 ng suspek na si Manuel kapalit ng hindi pag-upload at pag-post sa social media ng kanilang malalaswang usapan kaya humingi sila ng tulong sa Plaridel police na nagkasa ng entrapment operation.

Hindi na nakapalag ang suspek nang tanggapin ang marked money mula sa biktimang kanyang tinatakot kapalit ng nasabing halaga.

Nakakulong na ngayon si Manuel at nahaharap sa kasong extortion habang patuloy pa din ang imbestigasyon sa nasabing kaso. (Jun Borlongan)