Arestado ang isang miyembro ng Sputnik Gang makaraang molestiyahin ang isang 16-anyos na dalagita na kanyang hinoldap kahapon nang madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang suspek na si Joshua Arcega, nasa hustong gulang alyas ‘Awa’ nakatira sa 120 Maginhawa St., Brgy. 14 Zone 1 nang nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ng biktima na itinago sa pangalang ‘Rose’ at naninirahan din sa naturang barangay ang suspek nang ito’y holdapin at paghihipuan sa madilim na bahagi ng Maginhawa St., dakong alas-singko nang madaling-araw.
Agad naman nagtungo ang biktima sa Barangay hall upang ireklamo ang ginawang panghoholdap at panghihipo sa kanya ni Arcega.
Sa pahayag ni Rose sa mga imbestigador ng Pasay Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), naglalakad siya nang mula sa kanyang likuran ay tinutukan siya ng patalim ng suspek at puwersahang kinuha ang kanyang cellphone.
Lalo pang nasindak ang dalagita nang biglang ipasok ng suspek ang mga kamay nito sa suot niyang damit at kinapa ang kanyang dibdib bago mabilis na tumakas.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon sina barangay tanod Rodolfo Cortun ng Barangay 14 at kaagad na pinuntahan sa kanyang tirahan ang suspek at dinakip.