Ni Ronilo Dagos

Nagpakamatay ang isang 17-anyos na dalagita matapos umanong gahasain ng kanyang tatay sa Sta. Rosa City, Laguna.

Sa opisyal na report ng Sta. Rosa City police, natagpuan ang katawan ng biktimang si alyas Cherry na nakabigti sa loob ng kanilang bahay noong Enero 2 nang umaga.

Isinugod pa ito sa Santa Rosa Community hospital subalit idineklara nang
Dead-on-arrival.

Tumanggi naman ang pamilya nito na ipa-autopsy pa ang bangkay kahit may nakita umanong mga pasa sa katawan nito.

Sa burol ng biktima ay nagsagawa ng vigil at nagsindi ng mga kandila ang mga kapitbahay at kakilala ng biktima kasama pa ang ilang kabataang babae sa harap ng bahay ng pamilya, na humihiling sa mga kinauukulan na isailalim sa pagsusuri ang bangkay.

Mabilis ding kuma­lat sa community page ng Sta. Rosa City ang matagal na umanong panggagahasa sa biktima ng kanyang tatay.

Nakagalitan at sinaktan pa umano ito ng kanyang nanay nang magsumbong ito na siyang nagbunsod upang magpakamatay ito noong gabi ng Bagong Taon.

Nakaabot naman sa pulisya ang mga sumbong at ipinagbigay-alam na ito sa tanggapan ng CSWD at sa Women’s and Children desk ng Sta. Rosa police na ngayon ay nagsasagawa na ng preliminary investigation.

Sa pinakahuling ulat ay pinigil ni Supt. Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa City police, ang nakatakda sanang paglilibing.

Napilitang pumayag ang mga magulang na ipasuri ang bangkay.