Dalagita nagbaon ng droga sa music festival

Nabahala ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos madiskubreng nagdadala ang mga ‘party-goers’ ng iligal na droga sa dinadaluhang music festival.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, isang babaeng menor de edad, na senior high-school student pa lang ang pansamantala nilang pini­gil matapos mahulihan ng iligal na droga sa tulong ng PDEA Narcotic Detection Dog o K9.

Dadalo sana ang dalagita sa Jack TV’s MADFest 2019 na isinagawa sa Globe Circuit Events Ground, Makati City noong Oktubre 26, 2019 nang mahulihan ng pulisya ng limang gramo ng marijuana at dalawang glass tube.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Aquino sa mga magulang na i-check ang kanilang mga anak sa pagtungo sa mga kasayahan upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari.

“I call for parents to check on their children in going to parties to avoid the same incident, or worst, just like the incidents on May 22, 2016, the Close-Up summer concert event where five died and linked to use of party drugs; and the 19-year-old woman who died due to an alleged drug overdose during Sinulog party in Cebu City on January 19, 2019,” ayon pa kay Aquino. (Dolly Cabreza)