Patung-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ngayon ng isang college student makaraang kunan ng video ang ginawang pangre-rape sa isang 15-anyos na dalagita na kanyang nilasing at kinikilan ng pera kapalit ng sex video matapos itong madakip sa entrapment operation ng pulisya sa Barangay Poblacion,Hagonoy,Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si Nicole John Salamat, 22-anyos,IT student at nakatira din sa bayan ng Hagonoy na nahaharap ngayon sa mga kasong rape, child abuse at robbery extortion habang itinago ang biktima sa pangalang Irene,15-anyos,Grade 9 student at residente din sa nasabing munisipalidad.

Sa imbistigasyon ng pulisya, nagkakilala ang biktima at suspek sa Facebook noong nakaraang buwan hanggang sa makumbinsi ni Salamat na makipagkita si Irene sa kanya at makipag-inuman kasama ang ilan pang mga kaibigan ngunit ilang lagok pa lamang ng iniinom na alak ay biglang nahilo at nawalan ng malay ang dalagita hanggang sa magahasa na ito.

Kinunan pa nito ng video ang pangre-rape sa lasing na biktima at sa puntong ito ay humihingi ito ng P25,000 sa biktima kapalit ng video.

Dito na humingi ng tulong sa awtoridad ang magulang ng biktima kaya nadakip si Salamat sa isang fastfood chain.