Isang dalagita na nagtangkang umawat sa isinagawang buy-bust ang dinampot kabilang ang lima pa kamakalawa nang hapon sa Guido 1 At., Tondo, Manila.
Arestado ang anim na katao, kabilang ang target na pusher at isang menor de edad sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 7, kamakalawa nang hapon sa Guido 1 At., Tondo, Manila.
Nasa kustodiya ngayon ng Manila Police District-Police Station 7, ang mga suspek na sina Aldred Martin alyas Cocoy, 27; Jayson Corpuz, 33; Vicente Rabiana, 46; Raymond Victorio, 23; Lyka Gamba, 20, at Mary, ‘di tunay na pangalan, 17, ng Caloocan City.
Kakasuhan ng paglabag sa Sec. 5 at Sec 11 ng RA 9165 kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang lima maliban kay Mary na sasampahan ng paglabag sa Revised Ordinance 887 (interfering).
Dakong alas-4:30 nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa target na si Cocoy kung saan nagkataon na andu’n ang ibang inaresto kaya nakasama silang bitbitin.
Tinangka naman ni Mary na makialam at awatin ang mga pulis sa pag-aresto sa mga suspek kaya pati siya ay binitbit.
Nasamsam ng mga pulis ang siyam na sachet ng shabu at P200 marked money.