Dalaw sa Bilibid bawal muna

Hindi muna pinadalaw kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kaanak ng mga presong nakakulong sa maximum security compound sa New Bilibid Prison (NBP) bunsod ng naganap na kaguluhan kahapon ng umaga sa Muntinlupa.

Nabatid na pansamantalang sinuspinde ng pamunuan ng NBP ang visi­ting privilege ng mga inmate matapos magtalo at magsaksakan ang dalawang preso.

Sinabi ni Col. Gabby Chaklag, Bucor spokesman na dalawang miyembro ng Genuine Ilocano na hindi muna binanggit ang pangalan ang nag-away sa loob ng nasabing piitan, alas-otso ng umaga.

Ang insidente ay naganap sa maximum security compound kung saan nakakulong ang nagsaksakang bilanggo.

Dinala ang dalawang preso sa NBP Hospital para lapatan ng Lunas. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na insidente.

Nabatid kay Chaklag na aayusin muna ang gusot bago muling payagan ang dalaw, na posibleng ibalik din nga­yong araw. (Juliet de Loza-Cudia)