Bangkay nang umuwi ang isang 60-anyos na lola nang tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na lulan ng isang motorsiklo matapos itong dumalaw sa New Bilibid (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng tanghali.
Dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Fatima Failan, nakatira sa Gate 1, NBP Reservation, Brgy. Poblacion ng naturang lungsod makaraang magtamo ng maraming tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Base sa inisyal na report na isinumite ni Supt. Jenny Tecson ng Public Information Office (PIO) ng Southern Police District (SPD) dakong alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa likod ng NBP Post Office, katabi ng KORAMFIL Mission, Inc. Church, Gate1, NBP Reservation, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City.
Ayon kay Senior Supt. Nicolas Salvador hepe ng Parañaque City Police, katatapos lamang dumalaw ng biktima sa naturang bilangguan at paglabas nito ay pinagbabaril na ng dalawang lalaki na magka-angkas sa isang motorsiklo na walang plaka.
Bitbit pa ng biktima ang isang plastic bag nang bumulagta sa kalsada.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin.
Sa ngayon ay patuloy pa rin nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam na rin kung may kaugnayan sa droga ang pagpatay sa biktima.
Bukod pa rito, inaalam na rin kung ang biktima ay nasa drug watchlist ng pulisya.