May napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit ni dating DENR Sec. Gina Lopez na hindi nakumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA). Ito ay sa katauhan ni Ret. General Roy Cimatu.
Dahil sa sinapit ni Lopez, kabado naman ngayon ang mga taga-suporta nina Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano at Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo.
Matapos kumpirmahin ni Pangulong Duterte na umiral ang kapangyarihan ng ‘lobby money’ ng mga big time mining companies kaya’t ibinasura ng CA ang pagkakatalaga ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kahit todo-tanggi pa ang ilang miyembro ng CA sa alegasyong ‘lobby money talks’ ni Digong, mas marami ang naniniwala sa pangulo dahil dati rin itong kongresista at kabisado niya ang kalakaran sa Kongreso.
Sa kaso ni Mariano ay mas matitindi pa raw ang oppositors ng kanyang pagiging kalihim ng DAR na kinabibilangan ng mga malalaking komprador, landlords at mga hasyendero na kinakatawan mismo ng karamihan sa mga mambabatas. Kaya’t kung totoong ‘lobby money talks’ ang paiiralin sa pagboto ng CA, namimiligrong matigpas rin ang kumpirmasyon ni Mariano.
Namimiligro rin ang kumpirmasyon ni Taguiwalo bilang kalihim ng DSWD kahit umani pa ito ng simpatya sa matalinong pagsagot sa confirmation hearing nu’ng Miyerkules at sa ‘offensive joke’ ni Sen. Tito Sotto kaugnay sa pagiging ‘single parent’ nito.
Mismong mga solon na matatakaw sa pork ang salungat daw kasi sa kanyang appointment. Ayaw kasing pumayag ng kalihim na gawing ‘informal pork barrel’ ng mga pulitiko ang pondo ng DSWD kabilang ang P79B conditional cash transfer (CCT) fund.