Damay-damay sa isyu ng nakaw passport data

Nakaladkad na ang ibang ahensiya ng gobyerno sa kinakaharap na passport data breach ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Kaya naman iginiit ni Senadora Nancy Binay sa Office of the Solicitor General upang i-rebyu ang mga kontrata ng lahat ng ahensiya ng gobyerno na may third-party software at data management provider, partikular na ang mga namamahala sa national database system.

Ilan sa mga ahensiya ng gobyerno na may third-party software at data manage­ment ay SSS, GSIS, LTO, NBI, DFA, BI, PAGIBIG, PhilHealth, PhilPost, LRA, PSA at Come­lec.

Ayon kay Binay, dapat na malaman ng publiko kung aling ahensiya ba ng gobyerno ang talamak sa data hostaging­ upang hindi na aniya maulit pa ang paghinto ng operasyon ng LTO at NBI.

Dapat ding matiyak aniya ng OSG na maibabalik sa gobyerno ang lahat ng data na hina­wakan ng third party data management provider kapag na-terminate o nahinto na ang kontrata nito.

Sabi nga ng senador, bilang tagapa­ngalaga ng datos ng mamamayan, the government should protect the confidentiality of the data, and maximize all remedies to ensure that the data handled by contractors is returned to the government after the end of its contract.

Nag-ugat ang dama-damay na insidenteng ito sa isiniwalat ni Foreign Affairs Secretary Teo­doro Locsin Jr., na isang da­ting contractor ang tumangay sa data sa pasaporte noong matapos ang kontrata nito sa DFA. Ito umano ang dahilan kung bakit hinihingi pa ngayon ang birth certificate kahit sa mga magre-renew ng lumang pasaporte at hindi e-Passport.

Sabagay may punto ang Senadora, nakakatakot talaga ang ganitong pangyayari, lalo na’t buong detalye ng ating pagkatao ay nasa nawawalang data base.

Kaya tama lamang na aksyunan ng OSG ang rekomendasyong ito ni Sen. Nancy. Mahirap na baka mabulaga tayong lahat kapag nangyari na naman ito sa ilang ahensiya ng ating gobyerno.