Daming pasaway! 87,494 dinampot sa quarantine violation

Umaabot na sa 87,494 katao ang dinakip at dinala sa presinto sa loob ng nakalipas na 20 araw mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) deputy chief for operations Major General Guillermo Eleazar, na siya ring commander ng Joint Task Force COVID Shield, 70 porsyento ng mga hinuli na nasa 61,000 violator ay binigyan muna ng babala, kinausap at pinauwi.

Limang porsiyento o aabot sa 4,184 violator ang pinagmulta habang 22,790 ang tinuluyang arestuhin at kinasuhan kung saan 4,206 na ang hinarap sa piskalya.

Samantala, tinatayang nasa mahigit 1,500 ng mga tawag at text message ang inaksyonan ng Joint Task Force COVID Shield hotlines.

Ayon kay Eleazar, layon nitong maiparamdam sa publiko ang mas mabilis na pagkilos mula sa mga awtoridad ngayong umiiral pa rin ang enhanced community quarantine.

Base sa datos, nasa 1,535 na kabuuang tawag ang kanilang natanggap mula nu=oong Marso 18 hanggang Abril 5.

Mula sa nasabing bilang, sinabi ni Eleazar na 939 rito ang may kaugnayan sa mga authorized person outside of residence o APOR habang 178 naman ang tungkol sa mga cargo,

May 418 tawag din umano silang natatanggap hinggil naman sa mga katanungan tungkol sa enhanced community quarantine partikular na ang mga paglilinaw sa ipinatutupad na guidelines.

Kung susumahin ani Eleazar, nasa 1,207 tawag na kanilang natanggap ay pawang mga paglilinaw o kaya’y katanungan habang nasa 328 dito ang reklamo.

Muling nanawagan si Eleazar sa publiko na tandaan at isaulo ang kanilang mga hotline numbers na 0998-849-0013 para sa Smart user at 0917-538-2495 para naman sa mga Globe user.(Edwin Balasa)