Naging pangalawa sa mga national sports association ang Dance Sport Council of the Philippines na nagdeklarang masu-sweep ang mga nakatayang medalyang ginto sa 30th Southeast Asian Games 2019 na magsisimula sa Nobyembre 30.

Inaasahan ng natu­rang NSA na ­magiging minahan ng ginto sila sa pagtatangka ng mga Pinoy sa pangalawang pangkalahatang kampeonato sa ika-apat na pagho-host sa kada da­lawang taong sportsfest na tatagal hanggang Disyembre 11.

Ayon kay DSCP President Rebecca ‘Becky’ Garcia, hangad ng mga mga mananayaw na walisin ang lahat ng 13 events o gold ­medals upang tulungan ang Team Philippines na maabot muli ang tagumpay tapos noon pang 2005.

Inesplika niyang na nag-hire pa sila ng dalawang foreign coach sa tulong ni Phi­lippine Sports Commission Chairman William Ramirez upang tulu­ngan na mahasa ang kalibre ng mga national dancer.

Sila ay sina Alina Novak ng Poland at ­Alexander Melnikov ng Russia. (Lito Oredo)