Sa ika-41 taunang pagtitipon ng Philippine College of Occupational Medicine (PCOM) sa Manila Hotel, kinilala natin ang makabuluhang ambag ng kanilang hanay-propesyunal sa pagsusulong at pangangalaga sa kapakanan ng manggagawang Pilipino.

Biniyayaan man tayo ng di-matumbasang likas-yamang kinaiinggitan ng ibang bansa sa mundo, nananatili pa ring pinakamalaki ang halaga ng ating mamamayan. Kailanman, hindi bumababa ang halaga ng Pilipinong manggagawa sa pedestal ng bansa.

Dahil dito, hindi rin kataka-taka na ang numero uno nating taga­pagsulong ng pagla­gong pang-ekonomiya ay ang ating lakas-manggagawa. Ayon sa opisyal na datos, nasa 2.3 milyon ang naitatalang overseas Filipino worker. Dahil sa mahabang panahong paninilbihan sa ibang bayan, nasa 10.2 milyon katao na ang may dugong-Pilipino sa ibayong dagat. Ito ay 11% ng ating kabuuang populasyon, ayon sa Commission on Filipinos Overseas.

Nasa gawing itaas ng ating pagpapahalaga sa sektor ng paggawa. Kaya nga sa Saligang Batas, idinambana sila ng mga nagbalangkas ng Konstitusyon sa maraming probisyon nito. Sa Declaration of Principles, pinagtibay ang sektor ng paggawa bilang pangunahing lakas panlipunan at pang-ekonomiya, at nakatadhana ang “proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa­ at pagsulong sa kanilang kapakanan.”

Yaman din lamang at nasa panahon ng kampanya sa bansa, isa sa mga nabanggit­ sa Konstitusyon ay tungkol sa pagpili ng party-list representatives, at isa sa mga sector na nabanggit ay ang mga manggagawa. Sa Section 3, Article XIII itinatakda rin ang paglalagak ng kaukulang proteksyon para sa kanilang katiyakan sa panunungkulan, maayos na kondisyon sa trabaho, at isang makataong kompensasyon at suweldo. Sa kabuuan, pitong beses binanggit ang ‘labor’ sa ating Saligang Batas.

Sila ang dugong taga­pagbigay-buhay sa ating bansa at ang kabuluhang ito ay patuloy na kinikilala ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kampanya pa lamang noong 2016 ipinangako ng pangulo na kanyang paghahariin ang karapatan ng mga manggagawa sa katiyakan sa trabaho at kanya itong isinakatuparan nang kanyang lagdaan ang Executive Order noong Mayo 2018 na nagbabawal sa ‘illegal contracting and subcontracting.’ Sinertipikahan din ng Pangulo ang agarang pagsasabatas ng panukalang batas hinggil dito.

Noong Agosto, nilagdaan din ng Pangulo ang Republic Act 11058 tungkol sa ‘kaligtasan sa mga pagawaan at mga batayang pangkalusugan.’ Binibigyan nito ng kapangyarihan ang Kalihim ng DOH na magpalabas ng mga batayan sa occupational safety and health (OSH) batay sa bilang ng empleyado, linya ng trabaho at mga nakapaloob na banta sa kanilang buhay o kalusugan sa pinapasukan.

Ayon sa naturang batas, ang sino mang employer na lalabag dito ay papatawan ng multang 100,000 piso sa kada araw ng pag­labag.

Kapag lubusang naipatupad, iibsan nito ang paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit o nasusugatan sa trabaho sa bansa. Bilang dating Chairperson ng House Committee on Labor, kinikilala natin ang buting hatid nito sa kapakanan ng sektor ng paggawa.

Noong 16th Congress, tatlong panukalang aking iniakda ang naisabatas: ang Republic Act 10771 o ang Green Jobs Act na kauna-unahang uri ng batas na naipasa sa mundo; ang Republic Act 10869 o ang JobStart Philippines Act na nagbibigay sa mga Pilipino ng mas magandang pagkakakitaan; at ang Republic Act 10741 na nagpapala­kas sa pangangasiwa ng National Labor Relations Commission.

Sa aking kasaluku­yang katungkulan bilang bahagi ng Sangay Ehekutibo, lalo kong napagtanto na ang mga batas na ito ay mas magiging makabuluhan kung maayos na maipapatupad at––dahil patuloy na nilalabag ang mga ganitong mga batas––mariing isinasakatuparan upang masigurong ito ay sinusunod para sa kapakanan ng ating mga manggagawa.