Nagbigay ng mahaha­lagang tip ang Olongapo City Police Office (OCPO) na maaaring magamit ng mga residente partikular ang mga kababaihan upang makaiwas sa anumang kapa­hamakan, tulad na lamang ng sinapit ng isang 19-anyos na dalaga na ginahasa ng hindi pa nakikilalang lalaki na nagpakilalang chatmate nito sa Facebook sa Olongapo City kamakailan.

Sa panayam ng TONITE kay PO3 Michelle Ubuta ng Wo­mens and Children Protection Desk-Station 3, dapat ay huwag umanong basta na lang makikipag-usap sa mga taong isang beses lang nakita at pinaniniwalang magkakilala sila, at sakali umano na magpumilit ang hindi kilalang tao ay kaagad na humingi ng tulong.

Pinag-iingat din ang mga kababaihan na sumasakay sa mga kolorum na sasakyan sa alanganing oras ng gabi dahil wala umanong nagsisilbing palatandaan sa mga ito tulad na lamang ng body number ng mga lehitimong sasakyan o dyip.

Kapag naglalakad naman sa gabi kung galing sa trabaho at madilim ang dinaraanang lugar pauwi sa kanilang bahay ay importante umano ang may kasama, magpasundo sa kaanak o mas makakabubuti din na mag-text upang malaman ng kanyang pamilya ang kanyang kinaroroonan.

“Sa panahon ngayon dapat maingat ang mga kababaihan para hindi matu­lad sa biktimang si Mildred (hindi tunay na pangalan),” ayon pa kay PO3 Ubuta.

Matatandaang noong Martes ay kakalabas lang sa trabaho ni Mildred nang lapitan ng hindi kilalang suspek na malaki ang pa­ngangatawan, nasa 40-45 ang edad at may kaliitan ang taas at nag-alok na ihahatid s’ya sa bahay sa isang barangay sa Olongapo City. Subalit dinala ang biktima sa isang bakanteng bahay sa Las Piñas at doon ay dalawang beses na ginahasa.