Dapat namang buwisan

Papatawan ng malaking buwis ang operasyon ng Transport Network Company (TNC) gaya ng Uber at Grab.

Ang ipapataw na buwis ay katulad ng ipinapataw sa mga kumpanya ng taxi at bus.

Ito ang isiniwala ni Sen. Sherwin Gatchalian patungkol sa na­kabinbin sa Senado na panukala para bigyan ng ‘legal personality’ ang TNC at ituring na ‘public utility entities’.

Sang-ayon tayo sa hakbang na ito ng Senado na dapat lamang mangyari para maging patas sa iba pang transport group na nagbabayad ng tamang buwis at iba pang obligasyon sa gobyerno, katu­lad ng taxi na pinag-iisyu na ng resibo ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Dapat seryosohin ng Senado ang inilulutang na panukala. Hindi naman tamang libre sila sa buwis gayong ang ibang uri ng transport group ay may binabayarang buwis o obligasyon.

Ang tanging puhunan lamang ng TNC ay ang app na ginagamit sa kanilang operasyon dahil hindi naman sila ang nagmamay-ari ng mga pumapasadang TNVS kaya hindi ba’t sobra-sobra namang sarap ng kanilang buhay?

Tiba-tiba sa kita ay wala pang sinusunod na polisiya sa ipinapataw na pamasahe. Maari silang magtaas hanggang kelan nila gusto na pikit-mata namang kinakagat ng mga pasahero.

Pero ang taxi ay dumadaan pa sa maraming pagdinig para lamang ihirit ang iba’t ibang kahilingan tulad ng pagtaas ng flagdown.

Kaya dapat mamadali na ito ng Senado para maging ganap nang batas at mapatawan ng karampatang obligasyon ang TNCs para naman ma­ging patas.

Hindi naman tamang sa bawat kinikita sa pasada ng mga driver ng Uber at Grab ay ang kumpanya lamang ang kikita, dapat ay magbahagi ito ng obligasyon sa gobyerno.