Dapat nga bang palabasin ang mga bata?

Nag-viral sa internet ang ilang mga nanay na nakatira sa Bonifacio Global City Taguig makaraang sigawan at pauwiin daw sila ng mga pulis. Dinala kasi nila ang kanilang mga batang anak sa Burgos Circle Park para makapagbisikleta at makapaglakad-lakad. Ang pinanghahawakan ng mga nanay ay ang pagpayag ng local government ng Taguig na palabasin ang mga bata para makapag-ehersisyo sa panahon ng GCQ.

Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng diskusyon: dapat nga bang palabasin na ang mga bata kahit nandiyan pa sa paligid ang Covid-19?

Sa isang survey na ginawa ng Save The Children, isang non-profit organization, sa may 5000 mga bata at magulang sa Amerika, UK, Germany, Finland at Spain, lumalabas na isa sa 4 na batang nasa lockdown dahil sa Covid-19 ang nakakaranas na ng pagkabahala at depression. Animnapu’t limang porsiento ang nagsabing naiinip at may pakiramdam na nag-iisa ang mga batang nasa lockdown areas.

Dito sa atin sa Pilipinas, mapapansing ang mga bata, lalo na sa mga masisikip na lugar, ay nagsisilabasan na sa kalsada. Umuuwi lamang sila kapag nasisita. Pero ang init ng panahon, pagkaburyong dahil hindi makakilos, walang pasok, at kakulangan ng magagawa sa loob ng bahay na makakapagpasaya sa kanila ang dahilan kung bakit nangangati na ang kanilang mga paa na lumabas. Maging ang ilang magulang ay nahihirapan din na nasa loob lang ng bahay ang mga bata, lalo na kung maiingay at magugulo, at walang tigil ang kainan at paggamit ng kuryente.

Para kay Dr. Kellyn Sy, isang microbiologist, kailangang maarawan din ang mga bata para makakuha ng Vitamin D. Mahalaga rin ang ehersisyo at paglalaro basta’t laging naka-face mask at nagpa-practice ng social distancing ang mga bata kahit naglalaro. Makakatulong aniya ito sa mental, emotional at physical well-being ng mga bata.

Batay sa pag-aaral ng US Centres for Disease Control and Prevention, mas mababa naman ang tsansa na magtuloy-tuloy ang simtomas ng Covid-19 sa mga bata. Sa mga kaso ng may Covid-19 sa Amerika, 1.7% lamang ang mga bata.

Ayon kay Dr. Marthony Basco, pediatrician, hindi lang Covid-19 ang dapat bantayan sa mga bata. Marami pang ibang sakit kaya’t dapat ay kumpletuhin ang kanilang bakuna. Mas mainam din aniya na samantalahin ng mga magulang ang pagkakataon na magkakasama ang buong pamilya. Kausapin ang mga bata, kumain ng sabay-sabay at gumawa ng activities na puwedeng gawin at ikakasiya ng buong pamilya.