Dapat tayong maalarma

Inimbestigahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mga kaso ng “death under investigation” (DUI) bunsod ng hinala ng publiko na mga pulis din ang nasa likod ng krimen o ang mga nauusong “riding in tandem” na nagtutumba sa mga drug suspect.

Ang pagkakasangkot ng mga pulis sa DUI ay naungkat dahil sa kaso ng pagpaslang ng riding in tandem sa 51-anyos na crime watch group leader sa Gloria, Oriental Mindoro.

Nakaladkad sa kaso ang dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos mabaril ang dalawa ng mga rumespondeng kagawad ng pulisya. Kapwa graduates ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang dalawang pulis na nakasuot ng bonnet at hoodie jacket ang isa habang ang isa ay naka-facemask at wig.

Nakaligtas sa pamamaril ang dalawa pero kinasuhan ng murder sa pagpatay kay Zenaida Luz, regional chairperson ng Citizens Crime Watch (CCW).

Kasalukuyang iniimbestigahan ang alegasyon sa dalawang pulis pero ayon sa Senado ay mahirap pang sabihin na mga pulis talaga ang nasa likod ng riding in tandem dahil lang sa pagkakahuli sa dalawang pulis sa Oriental Mindoro.

Mahalagang magkaroon ng pattern of killings ayon kay Senador Panfilo Lacson na isa sa umuurirat sa alegasyon sa mga pulis upang makumpirmang mga pulis nga ang mga nagpapakilalang vigilante group na nasa likod ng pagtumba sa mga sangkot sa iligal na droga.

Nakakabahala ang impormasyong ito dahil maaaring tuluyan itong magdulot ng kawalang tiwala sa mga awtoridad na inaasahang magiging kakampi ng taumbayan ngayong nasa kainitan ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Ang sa amin, dapat maging masigasig sa pag-iimbestiga sa kasong ito ang Senado at iba pang grupo o sangay ng ating gobyerno dahil hindi tamang makaladkad ang PNP sa ganitong istilo ng pagpatay.

Maaari ring maging dahilan ang kasong ito at pagdudahang ang mga pulis na nagtutumba sa mga sangkot sa iligal na droga ay bahagi ng sindikato na takot lamang na malantad ang kanilang partisipasyon kaya inuunahan at pinapatay na lamang ang kanilang mga naging kasama sa operasyon ng iligal na droga.