Hindi pa rin mamatay-matay ang isyu ng pagpapatalsik sa poder kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa magkakasunod na alegasyong ibinabato laban dito.

Sa katunayan hindi lamang mga kritiko sa bansa na mula sa mga kalabang partido ang nambabatikos kay Pangulong Duterte kundi maging ang international media at human rights group.

Sa dalawang grupong ito na umaatake sa gobyernong Duterte nauunawaan natin­ ang pinaghuhugutan ng international ­media at international human rights group at ito ay ang nangyayaring extrajudicial killings sa bansa.

Pero sa mga kritikong kalaban sa ­pulitika ni Pangulong Duterte ay klarung-klaro na pagsakay sa isyu ang kanilang habol upang mawasak ang liderato nito.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na mayorya sa mga miyembro ng Senado na nagsusulong ng extrajudicial killing probe ay mula sa kalabang partido ng administrasyong Duterte kaya napakahirap tanggaping in aid of legislation ang pakay ng komite.

Hindi lamang iyan dahil ilang ­miyembro ng Senado ay sangkot sa ­dalawang magkasunod na pagpapatalsik ng gobyerno.

Unang-una nang patalsikin si dating Pangulong Joseph Estrada, pangalawa­ ang tangkang pagpapatalsik din kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.­

Kaya nakapahirap isiping walang masamang balakin sa administrasyong Duterte ang grupong pilit na nangwawasak sa gobyernong ito.

Ang obserbasyon din ni Kabataan Rep. Harry Roque sa galaw ng mga kakampi ng nagdaang administrasyon ay talagang swak na swak sa masamang pinaplano sa administras­yong Duterte.

Kung seryoso­ nga naman ang mga kalabang partido sa pulitika ng gobyernong Duterte sa pangunguna ni Vice President Leni Robredo ay dapat nitong sawayin ang mga kakampi.

Hindi mapapayapa ang mga supporters ng adminis­trasyong Duterte ng pahayag ni VP Leni ng patuloy na pagsuporta kay Presidente Duterte.

Ang para sa amin, mas mapapanatag ang kalooban ng lahat, lalo na ng ating gobyerno kung kasabay ng patuloy na suporta sa liderato ni PDU30 ay inaawat ng mga nakaupong nakalaban sa nakalipas na halalan ang kaalyadong putak nang putak dahil ang buong partido ang nakakaladkad sa kanilang ginagawa at sumisira sa magandang hangarin ni VP Leni na maging kabahagi ng gobyernong Duterte sa pagkamit ng magagandang hangarin para sa bansa, kabilang ang maigting na kampanya laban sa iligal na droga.