Daquis sasandalan ng Cignal

Sa pagbubukas ng Invitational Conference ng Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) ngayong Sabado, nakahanda na ang Cignal HD Spiker­s na depensahan ang kanilang titulo.

Bagama’t mara­ming nawala sa line-up ni coach Edgar Barroga, malaki pa rin ang tiwala nito na kayang depensahan ng kanyang tropa ang kanilang titulo sa mabibigat na kalaban.

Hindi makakapaglaro sina Jovelyn Gonzaga at Janine Marciano dahil sa tinamo nitong ACL injury noong 2017 Grand Prix conference.

Samantala, ang pambato ng Cignal na sina Chie Saet at Paneng Mercado ay mas piniling maglaro sa kabilang liga habang si Royce Tubino naman ay nasa Smart na.

Hindi magiging madali ang kampanya ng Cignal na depensahan ang kanilang korona pero ginagawa nila aniya ang lahat para mabigyan ng magandang laro ang ibang koponan gaya ng F2 Logistics, Petron at Foton.

Pangungunahan ni Rachel Ann Daquis ang HD Spikers kasama sina Mylene Paat, Janine Navarro at Rialen Sante, mga middle-blocker na sina Cherry Vivas at Shirley Salamagos, playmaker Acy Masangkay at libero na si Jheck Dionela.