Nag-isyu ng memorandum circular ang Department of Agrarian Reform (DAR) upang paalalahanan ang mga opisyal at mga piling kawani nito na sundin ang mga health protocol o mga alituntuning pang-kalusugan ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pagpapalabas ng ahensiya ng mga quarantine accreditation pass sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong bansa.

Ang direktiba ay nagmula kay DAR Secretary John R. Castriciones matapos bigyan ng kapangyarihan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ahensya na magkapag-isyu ng mga quarantine accreditation pass sa mga ARBs upang sila ay patuloy na makapamahagi at makapagbenta ng kanilang mga produktong agrikultural sa mga lugar na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Upang maging tuloy-tuloy ang serbisyo ng DAR, kinakailangang gawin sa tamang paraan at sukdulang pag-iingat ang pag-iisyu ng quarantine accreditation passes. Ang mga piling kawani ng DAR ay kailangang sumunod sa mga alituntunin mula sa DOH upang maprotektahan ang sarili at hindi madapuan ng virus at hindi rin makapagdala ng virus sa iba,” ani Castriciones.

Ang mga kawani ng DAR ay inatasan ni Castriciones na gawin ang mga sumunod: tanging ang mga piling kawani lamang na may quarantine pass ang papayagang lumabas sa kani-kanilang tahanan; kailangang magsuot sila ng face mask, face shield at guwantes; pigilan ang sarili na hawakan ang mata, ilong at bibig; ugaliin ang madalas at tamang paghuhugas ng mga kamay; magdala ng alcohol; at sundin ang social distancing.

Batay sa memorandum circular number 140, tungkulin ng DAR na siguruhing sumusunod pa rin sa mga health protocols ang mga ARBs, mga miyembro ng kooperatiba at mga agrarian reform communities sa ano mang aktibidad na may kaugnayan ang DAR.

“Sa kasalukuyan, ang DAR ay nakatutok upang masiguro ang kapakanan ng mga ARBs at mga kooperatiba sa mga agrarian reform communities. Nais naming sila ay ligtas at patuloy na kumikita para sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Castriciones.

Dagdag pa ni Castriciones na ang IATF noong ika-6 ng Abril ay nag-isyu ng Resolution No. 21, Series of 2020, kung saan tinukoy dito na “Ang lahat ng magsasaka at mangingisda sa bansa ay isa sa mga frontliners ngayon at ang kanilang mga paggalaw ay di dapat naaantala.”

“Sa pagsulong ng mga magsasaka bilang mga frontliners ng bansa sa gitna ng laban sa Covid-19, kami sa DAR ay kaisa nila sa pagtulong upang magkaroon ng tuloy-tuloy na supply ng pagkain ang mga tao at upang mapanatili ang seguridad ng pagkain sa bansa,” dagdag ng kalihim ng DAR. (Dolly B. Cabreza)