‘darna’ service van nakasagasa

Todas ang isang lala­ki habang sugatan ang kanyang misis matapos banggain ang minamanehong tricycle ng van na may sakay na mga crew ng sinu-shooting na teleseryeng ‘Darna’ sa Airport Avenue, Laoag City, Ilocos Norte noong Huwebes.

Kinilala ng Laoag City Police Station (LCPS) traffic division ang biktimang si Rogelio Gaspar, ng Brgy. 48A Cabungaan, ng nasabing lungsod.

Nagpapagaling naman sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center (MMMHMC) sa Batac City ang asawa nitong si Benie Gaspar.

Sa report, ayon sa LCPS, tinatahak ni Rogelio at misis nito ang Airport Avenue at papaliko na sana sa isang kurbada nang suwagin ng van na minamaneho ni Juda delos Reyes, ng 2718 Old Panadero, Sta. Ana, Manila na sinasakyan ng mga crew ng teleseryeng Darna.

Sa testimonya ni Delos Reyes, hindi niya napansin ang tricycle dahil hindi umano ito naka-signal light nang papaliko ito.

Sa lakas ng impact, tumilapon ng 29 metro ang mag-asawa na ikinamatay ni Rogelio bago dumating ng MMMHMC.

Pabalik na umano ang van sa Manila nang mangyari ang insidente.

Nakakulong ngayon si Delos Reyes sa LCPS at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injury. (Allan Bergonia)