Hindi na papayagang bumiyahe ang isang public utility vehicle (PUV) gayundin ang transport network vehicle service (TNVS) kapag walang nakakabit na dashboard camera, closed circuit television (CCTV) at global positioning system (GPS) sa sasakyan nito bilang standard safety equipment.
Ito’y sa sandaling makapasa ang House Bill 3341 na inihain ni Bagong Henerasyon (BH) Rep. Bernadette Herrera na nag-oobliga sa lahat ng PUV, TNVS, school transport service, maging sa government service vehicle na maglagay ng mga dash cam, CCTV at GPS sa kanilang sasakyan.
Layon nitong magkaroon ng maaasahan at ligtas na public transportation system ang mga Pilipino.
Paliwanag pa ni Herrera, sa dami umanong krimen at aksidenteng nagaganap sa mga lansangan ay malaki umanong tulong ang mga nabanggit na equipment para maidokumento ang pangyayari. (Eralyn Prado)