Maoobliga na ang mga law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP) na maglagay ng dashboard camera sa mas kilala sa tawag na dashcam kapag naipasa na sa Kongreso ang panukalang ito.
Sa ilalim ng House Bill 5334 na inakda ni AGRI partylist Rep. Delphine Gan-Lee, nais nito na lahat ng mga sasakyan ng gobyerno lalo na ang mga police cars ay kailangang mayroong dashcam para mairekord ang kanilang police operations.
Maliban dito, makakatulong umano ang mga dashcam sa mga police cars para mairekord ang mga nangyayari sa mga lansangan habang nagpapatrulya ang mga ito lalo na kung mayroong aksidente o krimen na hindi inaasahang mangyayari.