Ang pagiging isang producer ng pelikula ay hindi biro. Kapag hindi ito kumita ay depleted ang malaking bahagi ng kabuhayan mo. Siyempre, pangarap ng bawat producer ay ang kumita ang kanyang pelikula pero ang pagpu-produce ay katulad din ng sugal na puwede kang manalo o matalo.
Ang iba naman ay ginagawa nila ito for their own self-fulfillment at makatulong sa iba.
Hindi ikinakaila ng self-made na si Ogie Diaz na isa umano ang pagpu-produce sa mga pangarap niya na kanyang naisakatuparan sa pamamagitan ng pelikulang “Two Love You” which he co-wrote at dinirek ni Benedict Migue. Ito’y pinagbibidahan ng “Halik” star na si Yen Santos at ni Lassy Marquez. Kasama sina MC Muah at Hashtag Kid Yambao. Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan simula ngayong November 13.
Hindi kaila sa lahat ang pagiging bakla ni Ogie pero isa siyang masaya, contented, loving and responsible husband sa kanyang misis na si Georgette del Rosario. Lima ang anak nila na pawang babae. Dahil sa kanyang pamilya ay natutong magsikap ni Ogie para maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay.
“Naging alalay ako (ni Cristy Fermin), naging reporter, editor, actor-comedian, radio host, voice over talent, talent manager at ngayon, producer. Balak ko ring magdirek balang araw,” pahayag ni Ogie.
Hindi naging hadlang ang kahirapan ng pamilya noon ni Ogie para hindi niya matupad ang kanyang mga pangarap, kahit high school lamang ang kanyang naabot.
“Gusto ko ring maging teacher para maibahagi ko sa mga estudyante ko ang mga natutunan ko sa buhay,” aniya.
Si Ogie ang unang naging manager ni Vice Ganda. Maging apat na taon ang kanilang naging relasyon bilang talent at manager. Nang mawala sa kanyang poder si Vice ay saka naman dumating sa kanyang buhay si Liza Soberano at iba pa niyang talents.
“Ginawa ko na ring propesyon ang pagiging talent manager at isa ako sa mga accredited talent supplier ng ABS-CBN,” pagbabahagi ni Ogie na meron ding regular showbiz radio program sa DZMM, ang “OMJ” with MJ Felipe.
Ronnie, dyowang nurse 5 taon na
Limang taon na rin ang relasyon ni Ronnie Liang sa kanyang non-showbiz girlfriend. Isang nurse ito na naka-base sa New York, USA.
Sa kanyang pagtatapos bilang isang piloto sa buwang ito, gusto ni Ronnie na present ang kanyang kasintahan at ang kanyang pamilya.
Si Ronnie ay magtatapos bilang pilot sa APG International Aviation Academy in Subic. Pero bago ang kanyang graduation ay mapapanood muna siya sa kanyang concert sa Music Museum ngayong Friday.