Itinalaga ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte si dating Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno para pangunahan ang consultative committee na magre-review sa 1987 Constitution kaugnay sa isinusulong na Charter Change (Cha-cha).

Inilabas kahapon ng Malacañang ang appointment ng mga bubuo sa komite na pinirmahan ng Pangulo noong Enero 24, 2017 bago tumulak patungong India.

Si Puno ang tatayong chairman ng consultative committee habang miyembro naman ang mga kilalang legal luminaries o mga eksperto sa batas na sina dating senador Aquilino Pimentel, Jr., dating Tagbiliran Mayor Victor dela Serna, Virgilio Bautista, Rodolfo Robles at dating SC Associate Justice Antonio B. Nachura.

Kasama rin sa binuong consultative committee ang political scientist na si Julio C. Teehankee, Associate SC Justice Bienvenido Reyes, Eddie Mapag Alih, Chancellor ng Mindanao State University at Management Consultant ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at Edmund Tayao.

Hinirang din ni Pangulong Duterte si Congressman Ali Pangalian Balindong, dating congressman Lawrence Wacnang, Integrared Bar of the Philippines (IBP) President Roan Libarios, at mga abogadong sina Reuben Canoy, Arthur Aguilar, Susan Ordinario, Antonio Arellano at Randolf Parcasio.

Samantala, tiniyak naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na tuloy pa rin ang halalan sa 2019 kahit na masigasig ang pagsusulong ng Cha-cha.

Sa isang panayam, sinabi ni Alvarez na hindi aawatin ang gaganaping midterm elections sa susunod na taon.

“Tuloy po ‘yun( eleksyon sa 2019),” wika ni Alvarez.