Dating kagawad, 13 pa nasukol sa tupada

Isang dating barangay kagawad at 13 iba pa ang dinakma ng mga awtoridad matapos maaktuhang nagsusugal sa pamamagitan ng tupada sa bakanteng lote sa Barangay Luga, Sta. Teresita, Cagayan noong Linggo.

Ayon kay Sta. Teresita Police Station (STPS) chief-of-police P/Lt. Marilou Pichay, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon ukol sa nagaganap na tupada sa isang bakanteng lote sa nasabing bayan.

Agad namang kumilos ang STPS operating unit at naaktuhan ang mga suspek na nagtutupada sa Sitio Mabannag, Barangay Luga.

Ani Pichay, batay sa kanilang imbestigasyon, isinasagawa sa iba’t ibang lugar ang pagtutupada sa pangunguna umano ng dating barangay kagawad ng Barangay Villa na si Joseph Tacsiat.

Nakuha sa lugar ang 2 panabong na manok , sampung tari at P9,000 cash

Dinala sa STPS ang mga suspek at nahaharap sa kasong illegal gambling at paglabag sa R.A 11332 o anti-COVID-19 law. (Allan Bergonia)