Sugatan ang isang construction worker nang saksakin ng dating katrabaho dahil sa alitan sa mobile game sa Brgy. North Fariview, Quezon City, Martes ng gabi.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station commander Lt. Col. Jeffrey Bilaro, nasa maayos nang kondisyon ang biktima na nakilalang si Justin Cerdoncillo na nakatira sa nasabing barangay.

Dakong alas-8:40 nang gabi nakita umano ng mga pulis na nakatalaga sa quarantine checkpoint sa lugar na tumatakbo ang biktima patungo sa kanila habang hawak ang kanang tagiliran at duguan kaya agad na isinugod ito sa ospital.

Agad rin namang naaresto ng mga nakatalagang pulis sa checkpoint ang suspek na nakilalang si Jun Padriguez, dating kasamahan sa trabaho ng biktima.

Ayon sa saksi, naglalaro ng mobile game ang biktima at ang kaniyang mga kasamahan nang dumating ang suspek at sinaksak ito sa tagiliran.

Nabatid na dati na rin umanong nagkaroon ng alitan ang dalawa makaraang kantiyawan ng suspek ang biktima nang matalo sa larong Mobile Legends noong nakaraang buwan.

Sa galit ng biktima ay binasag nito sa mukha ng suspek ang hawak na baso dahilan upang masugatan ang kaliwang pisngi ni Padriguez.

Matapos makapag-pagamot ang suspek ay niresbakan nito ang biktima at sinaksak nga nitong Martes ng gabi.

Kasalukuya nang nakakulong ang suspek at inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya na frustrated murder. (Dolly B. Cabreza)