Dating NE mayor, 11 pa swak sa plunder, graft

Kinatigan ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong plunder at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kontra kay dating San Antonio, Nueva Ecija Mayor Antonino Lustre at sa 11 iba pa dahil sa maanomalyang P102M Integrated Terminal Complex & Slaughterhouse (ITCS) project.

Inaprubahan noong Hulyo 9 ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang paghahain ng kaso sa Sandiganbayan laban kina Lustre, Renato Bustamante, Daisy O. Pili, Julito Galang, Mercy L. Reyes, Roberto S. Odulio, Constancia V. Salonga at Pedro Perez ng PAPISS Incorporated, kontratista ng proyekto.

Kinasuhan din ang mag-asawang Julito at Marietta Morales dahil sa maanomalyang bilihan sa P5M halaga ng lupang pinagtayuan ng proyekto. Dawit din sa reklamo sina Ecoy Eclar at Michael Galang.

Naghain ng kaso si incumbent Mayor Arvin C. Salonga dahil ang pagpapatayo sa P52M commercial building at P42M slaughterhouse ay wala sa annual investment plan at walang resolusyon ang Sangguniang Bayan para sa ITCS.
Hindi rin umano nagkaroon nang maayos na bidding at pinaboran lang ang PAPISS.

Sa isinagawang imbestigasyon ni Ombudsman ay nakitaan ng probablĀ­e cause ang reklamo ni Mayor Salonga.