Kinansela ng ASEAN Basketball League (ABL) ang nakatakdang mga laro matapos maapek­tuhan ng panganib na dala ng nakamamatay na coronavirus o COVID-19.

Napag-alaman ng ABL kahapon na isa nilang manlalaro na si Jameel Mc­Kay, dating import ng pheonix Pulse sa Philippine Basketball Association (PBA), na pinakahuling nadagdag sa Singapore Slingers na pinigilan sa Singapore Immigration matapos na magbalik sa paglalaro sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Si McKay ay kabilang sa listahan ng mga pasahero na nasa contact list ng Singapore Case 113 kung saan isang 42-anyos na French national ang lumabas na nagpositibo sa COVID-19 at kasama ng player sa sinakyang Turkish Airlines flight na mula Istanbul, Turkey pa-city state.

Si McKay ay kasalukuyang naka-quarantine at under observation kahit hindi siya kinakitaan ng mga sintomas at walang nararamdaman na dulot ng virus.

Ayon sa Ministry of Health ng Singapore, mananatili ang import sa quarantine hanggang Marso 17, eksaktong 14 na araw matapos siyang pumasok ng Singapore nitong Marso 3.

Ang buong Singapore Slingers player, staff, at personnel, pati rin ang Kuala Lumpur Dragons, at league personnel na nakasalamuha ni McKay kasama na ring imo-mo­nitor sa susunod na 48 oras para madetermina kung may sintomas nang nakamamatay na virus. (Lito Oredo)