Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presi­dential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Dante Jimenez bilang co-chairperson ng Anti-Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD), ang dating puwesto na hinawakan ni Vice President Leni Robredo ng 18 na araw.

Ang appointment ni Jimenez sa bagong posisyon ay nakapaloob sa listahan ng mga bagong appointee na inilabas ng Malacañang nitong Biyernes.

Matatandaang hindi nagtagal si VP Leni sa pagiging co-chairman ng ICAD matapos bawiin din ito ng Pangulo dahil wala umano itong nagawa para lutasin ang problema sa iligal na droga sa bansa, at sa halip ay tila naghanap umano ito ng butas para siraan ang kampanya ng gobyerno.

Bukod kay Jimenez ay hinirang din ng Pa­ngulo si Rodolfo Robles bilang ambassador extraordinary and plenipotentiary to Canada, mula sa dati nitong posisyon bilang Phi­lippine permanent representative to the United Nations.
Sinalo naman ni Fo­reign Affairs Undersecretary Enrique Manalo ang puwesto ni Robles bilang Permanent representative of the Philippines to the United Nations.

Kasama sa listahang inilabas ng Palasyo ang promosyon ng siyam na rear admiral ng Philippine Coast Guard (PCG), labing dalawang commodore (PCG), isang police brigadier general at anim na police colonel.

“The appointment of Mr. Dante Jimenez as (Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs) ICAD co-chairman is a welcome development for the illegal drug campaign.” Ito ang ipinalbas na mensahe ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino. (Aileen Tali­ping/Prince Golez/Dolly Cab­reza)