Dating roster, dagdag Clarkson solb si Guiao

Dating roster, dagdag Clarkson solb si Guiao

Wala pang final group na nabubuo ang Team Pilipinas na isasabak sa 18th FIBA World Cup 2019 sa China sa Aug. 31-Sept. 15.

Kung si coach Yeng Guiao ang tatanungin, kontento siya sa 14-man lineup na ginamit sa huling window ng Asian Qualifiers noong isang buwan.

Binalik si Andray Blatche bilang naturalized player, siya ang bumuhat sa payback win laban sa Kazakhstan sa huling laro ng qualifications na nagbigay-daan sa Pilipinas para humirit ng isang ticket sa Worlds.

“I’m very happy with the 14 people that I’ve had,” pahayag ni Guiao.

Mas magiging masaya raw siya kung papayagan ng FIBA na maglaro bilang local si Jordan Clarkson.

Sa final window, kasama sa 14-man pool ni Guiao sina Blatche, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Gabe Norwood, Poy Erram, Troy Rosario, Raymond Almazan, Jayson Castro, Paul Lee, Mark Barroca, Earl Scottie Thompson, Marcio Lassiter, RR Pogoy at nag-iisang collegiate player Thirdy Ravena.

Maayos na raw ang che­mistry ng kanyang squad, nagkakaamuyan na, kaya hindi na kailangang baguhin.

“That’s going to be the core of the team already,” dagdag ni Guiao. “If there are changes, it’s going to be one or two players at the most.”