Kulungan ang bagsak ng isang dating seaman na ngayon ay nagtutulak na lang ng iligal na droga habang isa pa ang nahuli sa ikinasang buy-bust ope­ration kamakalawa nang gabi sa Pasig City.

Kinilala ni Sr. Supt. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig Police ang nahuling suspek na sina Ronilo Purisima y Rafael, 52, dating seaman, taga-21 Kasikatan St., Barangay Caniogan at John Carlo Victoriano y Pagunsan, 27, caretaker ng Yakal St. Jabson Site, Brgy. Rosario, Pasig City.

Sa report, unang inaresto si Victoriano bandang alas-9:00 kamakalawa ng gabi sa Jabson Site, Barangay Rosario matapos makatanggap ng report kaugnay na talamak na bentahan ng droga sa nasabing lugar na pinamumunuan ng suspek.

Bandang alas-10:00 ng gabi naman ay ikinasa ang ikalawang buy-bust sa Barangay Caniogan na ikinaaresto ni Purisima.

Umaabot sa walong plastik sachet na naglalaman ng shabu ang nakumpiska mula sa mga suspek at P400 buy-bust money.
Nakakulong ngayon ang dalawa sa Pasig detention cell at nahaharap sa kaso.