Dating whistleblower vs Lacson arestado sa estafa

Laglag sa bisa ng warrant of arrest ang tumayo noong star witness laban kay Senador Panfilo Lacson.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (DILG), nitong Mayo 27 nadakip si Antonio Luis Marquez, alyas Angelo `Ador’ Mawanay, 47-anyos, isang negosyante, sa ikinasang “Oplan Pagtugis” sa Chestnut St. Greenwood Subd. Pasig City dakong alas-5:30 ng hapon.

Kaugnay ito ng warrant of arrest sa kasong estafa, na inisyu ni Antipolo City RTC- 4th Judicial Region Branch 100 Presiding Judge Ma. Consejo Gengos Ignalaga noong Hunyo 27, 2017.

Inirekomenda ang P40,000 na piyansa para sa pansamantala niyang paglaya.

Kasalukuyan nang nakadetine si Marquez sa Anti-Organized Crime Unit-CIDG lock-up cell.

Si Marquez o Mawanay ang nagbunyag noon ng pagkakaroon umano ni Lacson ng multi-million dollar account sa abroad dahil sa diumano’y pagkakasangkot ng dating Philippine National Police chief sa kalakaran ng iligal ng droga, kidnapping at smuggling.

Kalaunan ay binawi ni Mawanay ang akusasyon at sinabing pakana ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang pagkaladkad kay Lacson sa droga.

“The government’s accusations that Senator Lacson is involved in proliferation of illegal drugs and that he has acquired millions of dollars which he has deposited in several bank accounts in the US are untrue,” sabi sa affidavit ni Mawanay noong March 24, 2003.

Itinanggi naman ng mister ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang paratang ni Mawanay. (IS)