Ipinagkibit balikat na lamang kahapon ni presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ang alegasyon ng umano’y isa sa hitman ng binansagang Davao Death Squad (DDS) na siya ang nagpapatay sa bilyonaryong si Richard King noong June 2014.

Ito ang tahasang sinabi ni Edgar Matobato na siyang inilabas ni Senator Leila de Lima sa hearing sa Senado kahapon. Sa alegasyon ni Edgar, sinabi nitong magkaribal sa babae na may-ari ng isang hamburger chain sa Davao-sina Paolo at King.

“What De Lima and this certain Matobato say in public are bare allegations in the absence of proof. They are mere hearsay. I will not dignify with an answer the accusations of a madman,” ani Paolo.

Ani Edgar, ibinintang pa umano sa kanya ang pagpatay kay King matapos itong kumalas sa DDS dahil nakukunsensya na umano sa dami ng pinatay, kabilang ang 4 na tauhan ni dating Davao Rep. Prospero Nograles na tumakbo bilang mayor kontra sa ama na ngayon ay si Presidente Rodrigo Duterte. Ngunit itinanggi naman ng anak ni Nograles na si Rep. Karlo Nograles ang alegasyon ni Edgar na mayroong naganap na pagdukot at pagpatay sa kanilang grupo.

Isinabit din ni Matobato si Paolo sa smuggling at iligal na droga at maging si Presidente ay itinurong utak sa maraming extrajudicial killings sa Davao mula noon hanggang 2014.