Kung si Kobe Bryant ang tatanungin, payag siyang i-trade sina Kyle Kuzma, Lonzo Ball at Brandon Ingram kapalit ng isa – si Anthony Davis.
Sina Kuzma, Ball at Ingram ang tatlo sa pinakamatikas sa young core ng Los Angeles Lakers, pero wala raw silang binatbat kay Davis.
January ay isinapubliko ni Davis ang kagustuhang mai-trade na mula sa New Orleans Pelicans.
Nabalita noong isa ang Lakers sa mga pursigidong maghabol kay Davis, may lumutang pang ilang players na isasama sa deal makuha lang ang All-Star center.
Lumipas ang trade deadline noong Feb. 7, nanatili sa Pelicans si Davis – bagama’t sa mga sumunod na laro ay bawas na ang kanyang minuto.
Sa China nitong Sabado nang pangasiwaan ang draw ng 2019 FIBA World Cup, na-interview ng Spanish language AS.com si Kobe at natanong sa posibleng trade kay Davis. (VE)