Humingi ng tulong ang Davao de Oro sa Philippine Sports Commission (PSC) partikular kay Chairman William I. Ramirez para sa pagho-host ng Davao Region Athletic Association (DAVRAA) Meet 2020 na na-reset sa Abril 1-7 sa Municipality of Montevista.
Nagtungo si Davao de Oro provincial sports coordinator Miles Atugan, kasama ang mga sports coordinator ng iba’t ibang siyudad, munisipyo at bayan sa pagbisita sa PSC chief sa Maynila.
“Chairman, Gov. (Jayvee Tyrone) Uy wants PSC’s help to train our coaches and athletes to improve our Davraaa Meet ranking since we are this year’s host,” sabi ni Atugan, sa pagpapaliwanag na ang probinsya ay pumangsiyam sa 2019 regional meet.
Tumugon naman si Ramirez kay Atugan na iprayoridad ang medal-rich sports kumpara sa mga popular ball game.
Nangako rin ang PSC chief na magpapadala ng mga coach at trainer sa basketball, volleyball, football, boxing, swimming, athletics, table tennis, archery, taekwondo, at arnis, na ilan lang sa programa nito para maisagawa ang coaches education at sports clinics para sa DAVRAA-bound Davao de Oro athletes sa Marso.
“Leadership is important to succeed in sports. If there is no leadership, nothing will prosper. Coach leadership, discipline and character are vital in producing competitive and champion athletes,” panapos na pahayag ni Ramirez. (Lito Oredo)