Dayaan ‘di lang sa palengke nauuso, pati sa grocery in

Maraming ­mamimili ang biglang naging conscious sa presyo ng kanilang binibili dahil sa ulat na may mga grocery, malalaking grocery pa ha, ang iba ang luma­labas na presyo ­pagdating sa ­cashier kesa sa nakatatak na presyo.

Akala ko sa mga talipapa at mga palengke lang nagkakadayaan, pero may mga ilang grocery pala ang nandadaya rin sa mga tao kaya kahit ‘yung mga may pang-grocery eh ­medyo nako-concious na pagdating sa cashier.

Sa mga talipapa at palengke, marami pa ring nagkalat na timbangan na madaya dahil ang isang kilo ay bawas, kulang ng 1/4 at ‘yung iba naman ay ilang guhit lang ang dinadaya, pero nandadaya pa rin.

Pero sa mga grocery, parang mas malala pala kung tutuusin sa pandaraya dahil ang price tag na inila­lagay nila sa mga produkto eh lalabas na mas mahal pagdating sa cashier at dahil hindi na nagtse-check ang mga mamimili dahil lahat ay nagmamadali, eh nakakaisa sila.

Buti na lang at may nagreklamo kaya medyo nagising sa tila matagal na pagkakatulog ang lahat ng mga mamimili dahil sa cashier pa lang tutok na tutok na sila sa presyo na kanilang binabayaran sa dinarampot na produkto.

Ang tanong, ilang taon na kayang ginagawa ng ilang grocery ang bagay na ito? Kung matagal na, baka marami na silang nakulimbat sa kanilang mamimili… wala tayong tinutukoy na pangalan ng mga grocery kaya medyo ma­ging conscious na kayo kahit saan kayo mamimili.

Sa mga palengke at talipapa naman, ‘yung matagal nang problema ng mga mamimili eh nandu’n pa rin. Kulang na kulang ang timbang ng kanilang ibi­nebentang produkto at dahil hindi mo naman talaga kabisado kung gaano kabigat ang isang kilo, eh, aaka­lain mong tama ang timbang ng binili mo dahil ti­nimbang naman sa harap mo.

Huwag lang mayroon kang sariling timbangan sa bahay mo dahil tiyak na manlulumo ka ‘pag tinimbang mo ang binili mo at matutuklasan mong kulang ang timbang ng binili mo at binayaran mo ng buo.

Sabi ng isang nakausap kong taga-palengke nang tanungin ko kung bakit may mandaraya sa timbangan, ang sagot sa akin eh para hindi naman daw sila malugi kapag may tumawad sa kanilang tinda.

Medyo may mali ang katuwirang ito ng mga tindero at tindera na mandaraya dahil hindi naman lahat ng mga mamimili eh tumatawad dahil sa pagmamadali kaya kabig sila kahit doon sa mga hindi tumatawad.

Hindi naman daw ­lahat ng tindera o ­tindero eh mandaraya, meron ­naman daw na matitino at takot na ma-karma pero marami raw talaga ang gumagawa ng kalokohang ito para lumaki ang kanilang kita.

Kung isang daang katao ang dinadaya araw-araw, ilang daan libo ang dinadaya nila sa isang taon? At sino ba ang dinadaya nila, hindi ang mga mayayaman kundi kapwa nila ordinaryong tao.

Dati, may mga taga-City Hall ang umiikot sa mga palengke para mang­huli ng timbangan na hindi tama ang timbang. Hindi na yata ito ginagawa, parang nagsawa na sila na protekta­han ang mga tao?

Puro mga ­malalaking tao lang yata ang may ­proteksyon sa ating ­bansa. Ang mga ­maliliit, ­bahala ka sa buhay mo kaya mag-ingat ka na lang sa susunod para hindi ka ­mabiktima.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)